"THE LEFT DID NOT CREATE THE TROUBLES OF THE WORLD, THE TROUBLES OF THE WORLD CREATES THE LEFT!"

"COGITO ERGO SUUM"

"I THINK THEREFORE I AM"

Home » Archives » November 2008

Balita Buhat sa Bikol ni Ricardo Lee

Sunday, November 23, 2008

Balita buhat sa Bikol

 

MAGULO SA BIKOL.  Magulo ang mga NPA.  Magulo, a basta magulo.  Ito ang mga salitang paulit-ulit at nakakukuliling-tengang maririnig mo sa bawat kanto at bawat almasen ng Bikol kung magkakamali ka ng pagpili ng kausap, kung ang una mong lalapitan ay ang mga may pinangagalingang interes, may-ari ng malalaking tindahan kaya o lupain o bahay-sanglaan.  Pero tumakas ka sa mga air-conditioned na sala ng mga asendero at maluluhong opisina ng mga komprador at makipag-inuman ka isang gabi sa mga magsasaka sa isang bayang kagaya ng Libon sa Albay, dito na halos lahat ng lupain ay pag-aari ng iisang tao, at ikaw naman ang mapapasurmaryosep.  Buong gabi ng paghuhuntahan namin ng mga magsasaka roon ay iniiwasan ko ang bumanggit kahit minsan ng katagang NPA sa takot na baka sobra pang piyudal ang pag-iisip ng mga tagaroon at masamain pa nila. Nagpaikut-ikot pa ako sa pakikipagtalakayan sa kanila tungkol sa problema ng pananakahan sa Pilipinas hanggang sa madulas ako’t mabanggit ko rin na may NPA na pala sa Bikol.  Noon sabay-sabay halos na tumayo ang tatlong matatandang magsasaka’t pagitan pang nagsabing, “Iyan, iyan ngang mga NPA na iyan ang matagal na naming hinihintay dito para mawala na ang gulo dito.”

Matapos ang talakayan, nang papauwi na ako, hinila ako sa isang tabi ng isa sa kanila’t kahit ano mang gawin kong pagtanggi—manunulat lang ho ako sa isang magasin—ay di ako tantanan ng kabubulong ng magsasakang ito:  “Sige na, di ka naman namin isusumbong, sabihin ko na sa mga NPA na magpadala sila rito kahit na dalawa lang para tulungan kami.”

Maliban sa ilang eksepsiyon, para sa karaniwang mayamang Bikolano, ang dala ng dumaraming nga NPA sa Kabikulan ngayon ay pagbabago, at di nila ito gusto.  Anumang tikwas ng timbangan na magpapabago sa kasalukuyang kaayusang pinakikinabangan nila ay masama para sa kanila.  Pero hindi para sa karaniwang magsasaka sa Bikol, lalo na iyong mga taga-Tigaon na mismo, iyong mga di marunong magbasa kaya’t di napurga sa mga propaganda ng imperyalismong Amerikano at ng estado.  Bagama’t pinanday at hinutok ng isang piyudal na kulturang higit na naglunoy sa Kabikulan (dito sa Bikol huling nawala ang moro-moro sa Pilipinas, at kahit saang kanto ka tumingin ay may makikita kang tatak ng pagkarelihiyoso ng mga mamamayan), ang magsasakang Bikolano ay hindi na takot ngayon sa pagbabago. Masamang-masama na ang kondisyon, at di na maaari pang sumama.

Kaya para sa mga mahihirap na magsasaka sa Bikol, lalo na ng Tigaon, isinilang ang isang bagong bayani.   Mauupo sila sa bangkito, itataas ang isang paa, at saka babanggit sa pangalang NPA nang para bang katumbas na rin ito ng kanilang “kagurangnan” o Maykapal.  Sa tono at pagsasalita ng nakausap kong magsasaka sa isang baryo sa Tigaon, magkakahalo ang pag-asa, at ang pagmamalaking sila sa Tigaon ang napili ng NPA sa ngayon na pakisamahan.  Noon,” anang kausap ko, “noon e nagugutom kami lagi dito sa Tigaon.  Nagugutom pa rin kami ngayon pero hindi na kami parang mga basang sisiw na walang magawa ngayon.  At hindi na rin namin nararamdamang nag-iisa kami.”

Dating 12,575 ektarya ng mga lupaing ang pinakamalaking panginoong maylupa at nag-aari ng halos ika-apat na bahagi ng buong bayan (sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero ay ika-apat ang Tigaon sa may pinakamalalaking panginoong maylupa).  Ang Tigaon ngayo ay isang Tigaon ng may 26,766 na mamamayan (karamihan ay mga magsasaka at mga parahagot o abaca stripper) na sinisibulan na ng bagong kamulatan.  Oo nga’t hindi pa lahat ng mahihirap sa Tigaon ay pumapanig sa NPA pero karaniwan nang marining sa isang kausap na Tigaoeno ang ganitong mga pangungusap:

“Kita mo naman, halos nasirang lahat ang mga pananim namin nang dumaan dito sa Tigaon ang bagyong Sening.  Tagbagyo na naman ngayon, pero naniniwala pa rin akong pinakamalaking pesteng dumating dito e ang mga PC.  Lahat kami rito sa Tigaon, nobenta porsiyento, e suspect ng PC.  Puwedeng basta na lang sila papasok ng bahay namin para maghalughog.  Marami na nga diyan ang napapatay dahil napagsususpetsahan lang.”

Totoo iyon, matutuklasan ko matapos ang walang tigil na pagbabasa ng mga lumang isyu ng Bikol Mail at Naga Times, at pagkausap sa mga drayber at magsasaka at estudyante at reporter ng Bicol Mail at kahit na sino basta’t Bikolano.  Ang isyu doon sa Tigaon ngayon, ang talagang nangyayari doon ngayon, ay hindi ang kung gaano nasalanta ng bagyo ang bayang iyon, ni ang kung gaano kagulo dahil sa mga engkuwentro ng mga PC at NPA; kundi kung ano at sino para sa mga karaniwang magsasaka’t parahagot doon ang mga paghahamok na ito.  Maaaring sa kakarampot na nakukuha nating imporyasyon tungkol sa Tigaon—na pawang listahan lamang ng mga balita tungkol sa kung papaanong si Kumander ganoon at si Tinyente ganito ay napatay sa  isang engkuwentro—ay magkaroon tayo ng maling impresyong ang lahat ay isang simple lamang na pagpapatayan ng magkatunggaling pwersa sa Tigaon, na ang resulta ng paglalaban ay masusukat lamang sa dami ng napapatay sa magkabilang kampo, na ang naglalaban ay ang mga PC at NPA lamang, at di kasama, naiipit lang sa gitna, ang mga magsasaka’t parahagot.

Hindi.  Hindi sapagkat higit sa mga retrato ng mga napatay na NPA at sa mga natambang na PC ay ang kamalayan, pag-iisip at damdamin ng napakaraming mamamayan ng Tigaon.  Kasama sa labanan sa Tigaon ay ang masa nito.  At ang naglalaban ay di lang mga armalayt at kalibre .45 kundi ang dalawang ideolohiyang kanilang sinasagisag.  Kung sino sa dalawa, ang gobyernong kinakatawan ng mga PC o ang bagong sistemang dala ng mga NPA, ang  mabuting buhay sa kanila, ang siyang mananalo.  Insidental na lamang ang bilang ng mga nagbubuwis ng dugo sa bawat paghahamok.

At me gulo rin ngayon sa Tigaon, hindi dahil sa ito’y napasok na ng mga NPA kundi dahil sa ang kontradiksiyon ng mga nagpapahirap at pinahihirapan doon ay umaabot sa sukdulan.   Ang parahagot nag nagtatrabahong mula alas seis ng umaga hanggang alas seis ng gabi para sa kakarampot na arawang suweldong P2.50 ay naghihimagsik na ngayon.  May pagbabago ngayon sa Tigaon, hindi lamang dahil sa me NPA, kundi dahil nagbabago na ang magsasaka’t parahagot doon.

“Hindi magulo dito sa Tigaon kung iisipin,” anang isang magsasaka doong may kahanga-hangang katatasan sa Pilipino, na sa pagsasalita ay mahihinuha kong nahasa marahil ng pakikipagtalakayan lagi sa mga kasapi ng NPA.  “Depende and pagiging tahimik sa ibig mong sabihin.  Noon nga ay tahimik kaming naghihhirap dito sa Tigaon, tahimik na nagdidildil lang ng asin at saka tahimik lang kahit na pinalalayas ng asendero sa lupang sinasaka.  Tahimik kaming nagbabayad ng utang sa tuwing mag-aani at tahimik lang kahit kami na ginagahasa ng asendero ang mga dalaga.  Pero ngayon magmula nang dumating dito ang mga NPA, ay hindi na kami nananahimik lang.  Ang ipinaglalaban namin e ang kakainin namin at ng mga anak namin bukas.”

Nagbabago na nga ang kamalayang nakapaligid sa Tigaon, lalo na sa mga rural ng lugar.  Dating isang relihiyoso, atrasado, at nakasukot na bayang sa pagkakasandig sa Mt. Isarog ay tumitingala sa langit tuwing orasyon araw-araw at nagpuprusisyon pa kung kapistahan, ang Tigaon ay hindi pa lubusang nakapagbabagong-bihis pero ngayon ay nabawasan na, di man tuluyang naalis, ang mga paglalasingan dito, ang mga patayan, ang pagnanakaw ng kalabaw, ang paninikil ng may-ari ng lupa sa mga kasama, ang panggagahasa, ang buhay-magsasakang laging gapus-gapos ng utang.   Ang mga kondisyong ito noon ng tahimik na kalupitan at pang-aapi ng iilang tao sa nakararaming tao sa Tigaon ay kalupitan, at kaguluhan pa nga, na dantaon nang walang-pagbabagong nangyayari sa Tigaon, naging bahagi na ng buhay at kalakaran ng mga buhay-buhay doon, kaya’t sa nilaun-laon marahil ay naging karaniwang pangyayari na lang sa karaniwang magsasaka doon.  At naipagkamali ang kawalang pagbabagong ito sa katahimikan.

“Pero ngayon ay hindi na,” dagdag ng kausap ko.  “Dahil sa pangangalaga ng NPA ay talagang tahimik na ang karamihan ng mga baryo dito.  Maliban na lang kung pumapasok ang mga PC. At sa ngayon e nagkakagulo.”

Ang magsasakang dantaong naghintay na mapansin man lang siya ng gobyerno nang higit na madalas kaysa sa sambeses-sa-dalawang taong eleksiyon ay nagpahid ng pawis, tumingin sa kanyang tabi’t nakitang may “hukbo” roon, at tinanggap niya ito ng buong puso sapagkat “hindi ito walang katuk-katok na kagaya ng ilang PC diyan na pumapasok sa aming bahay, at saka nagtatanong na para bang sila lang ang walang kasalanang nagawa.”

Ang karaniwang kasapi ng NPA o Bagong Hukbong Bayan, ayon sa mga taga-Tigaon, ay “magagalang, mag-aalis pa sana ng sapatos na goma sa puno ng hagdan kung di mo pipigilan.”  Tutulungan ka ng karaniwang “hukbo” na mag-araro, maglinis ng bahay, mag-alaga ng hayop.  Di siya naglalasing, di nambabae, di nagnanakaw.  Ipinagtatanggol niya ang karaniwang magsasaka sa anumang uri ng pang-aapi dito.  Hindi gaya ng PC, wala siyang hinihintay na sahod, ni pag-asa ng retirement benefits o mga medalya kaya.  Alam niya ang pinakahuling nangyayari sa Pakistan man ngayon o Korea o sa Ireland o sa Albanya, at walang tigil pa rin ang kanyang pag-aaral, pakikipagtalakayan  sa kabundukan man o sa baryo upang lalong makapagdagdag ng kaalaman.  Natuto na siya sa mga naging pagkakamali ng dating Partido Komunista ng Pilipinas at Hukbalahap.  Isa siyang kombinasyon—anang editoryal nga ng Naga Times noong Disyembre 5, 1971—“ng sanay na gerilyang mandirigma, at taong mahusay makisama” na tapat na naniniwala sa kanyang simulain at sa mga pangangailangan ng mga mahihirap.

“Naiintindihan namin,” anang magsasakang kausap ko, “ang NPA kaysa sa PC.  Ang sinasalita ng mga NPA sa amin e tungkol sa aming mga sarili, kung paano kami makakaahon sa paghihirap at gutom.   Kung sino ang tunay naming mga kaaway.  Kung ano ang dapat naming gawin. Pero ang PC, ay, ang PC, wala kaming nakikita sa kanila kundi ang armalayt.”

Ang mga pang-aabuso ng mga PC sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay isang paksang itinatago nang buong hinanakit sa kanyang dibdib ng karaniwang magsasakang taga-Tigaon, at nakahanda niyang isiwalat ito sa iyo sa anumang umpukan.  Gaya ng ilang sumusunod:

Ang una’y tungkol sa isang karaniwang lalaking taga-Tinorongan, Tigaon, si Valentin Austria, na labinsiyam na taong gulang pa lamang.  Sapagkat nahihirapan sa buhay sa Tigaon ay naisipan niyang mag-houseboy sa Maynila noong 1967.  At  gaya ng karaniwan niyang ginagawa taun-taon, nitong Disyembre ng 1971 ay muli siyang umuwi upang bisitahin ang mga kamag-anak niya sa Tigaon.  Pero huli na nang malaman niyang sinuman palang nananagalog sa Tigaon ay suspect na para sa mga militar doon dahil sa ito ang lengguwahe ng mga NPA.  Nang huli siyang makitang buhay ng mga tagaroon ay may tali siya sa likod at kalakaladkad ng mga PC. Nang muli siyang makita’y patay na siya, may tatlong tama sa likod, at nakabalot sa mga lumang peryodiko at punit-punit na banig.

Ang ikalawa’y tungkol naman sa pamilya ng mga Bantal: isang amang magsasaka ng Sagnay, isang ina, siyam na batang ang panganay ay labintatlong taon at ang bunso’y siyam na buwan pa lang.  Kagigising pa lamang ng mag-asawa noong madaling-araw ng Nob. 19 nang mag-raid sa bahay nila ang mga PC, at mapatay si Bantal na kasabay ng isa pang bayaw.  Walang naiwang pamana si Bantal sa kanyang asawa’t mga anak kundi isang kalabaw. Walang naipamana liban marahil sa ngitngit at poot sa mga PC na di-malauna’y nagpalabas ng mga press releases na umano’y nagkaroon ng engkuwentro ang NPA at PC sa Tinorongan, na NPA raw ang napatay na si Bantal; at inilista pa ang mga sandatang umano’y nakumpiska nila sa bahay ng mga Bantal.

Pero mapilit ang mga PC.  At para lalong mapangalagaan ang kaligtasan ng mga taga-Baryo Ocampo at Tinorongan, ay inutusan nilang lumikas ang mga naninirahan dito, sa kabila ng pagtutol ng mga ito dahil ayaw iwanan ang mga pananim at mga tahanan.

Ang ikatlo nama’y tungkol sa isang interbyu sa radyo sa Naga noon.  Hinamon ng Provincial Commander ng Camarines Sur na si Lt. Col. Antonio Habulan (na walang tigil ng katatawag sa KM na NPA rin daw) ang local press na magbigay ng mga halimbawa ng pang-aabuso ng mga PC sa mga sibilyan.  Isang Atty. Alfredo P. Tria ang tumanggap ng hamon, at tatlong insidente pa ang binanggit niya.  Isang pinsan niya umano, si David Sanchez ng Sagnay, ang binantaang babarilin ng isang PC trooper.  Gayundin, isang grupo naman ng mga PC ang kahit walang warrant of arrest ay basta na lang pumasok sa bahay ng kapital del baryong si Leonardo Seres ng Kilomaon, Sagnay, at saka naghahalughog. Bukod pa ang mga ito sa Ruperto Batuito na aniya’y sinuntok daw ng isang miyembro ng Task Force Bulusan pero di makapagsumbong dahil wala daw nameplate ang trooper.

Ang ikaapat ay tungkol naman kay Maximino Sabinorio, 20 taong gulang, isang maralitang magsasaka ng San Isidro, Buhi, Camarines Sur.  Isang nagngangalang Roberto Claveria ang sumulat sa editor ng Bicol Newsday at sa madulas na pananagalog ay pinabulaanan niya ang bersiyon ng PC sa pagkakapatay kay Sabinorio bilang “isang malaking kasinungalingan.”  Anang bahagi ng liham: “Isang malaking kasinungalingan ang gustong palabasin ng mga pasistang PC-Army sa sinasabing sagupaan na nagaganap sa Buhi.  Sa katotohanan ay walang nangyaring sagupaan kundi isang walang awang pagbaril at pagpatay kay Maximino Sabinorio…Ang biktima ay nakatayo at bigla na lamang pinaputukan ng mga berdugong elemento ng Task Force Bulusan noong Miyerkoles ng gabi (10:30), Mayo 3, 1972.  Ang pobreng magsasaka ay kaagad namatay samantalang isa pang dalaga ang tinamaan sa hita; ang kapatid ni Maximino na si Dioscoro Sabinorio ay sinalubong ng suntok, sipa at kulata nang tinangka niyang saklolohan ang nakitang duguang kapatid.  Siya ay dinala pa sa kampo ng mga makabagong Hapon nang nakagapos, na kung saan siya ay lalo pang pinahirapan at pilit na pinaamin ng mga bantay na di naman niya ginawa.  Wala pong katotohanan ang sinasabi nila na nagpaputok ang mga NPA ng ‘pill box’ sapagkat wala namang nangyayaring pagsabog sa lugar na iyon.  Ang mga kaanak mismo ng mga biktima at mga taong baryo ang siyang makakapagpatunay ng mga nangyari at kabilang na rin dito ang ilang pang magsasaka na binugbog at pinahirapan ng mga konstabularya nang gabing iyon at mga sinundan pang araw…”

Ang ikaapat ay susundan lang ng ikalima’t ang ikalima’y magiging ikaanim, pero di tayo matatapos.  At, salamat sa mga PC, hahaba pa rin nang hahaba ang listahan ng ganitong mga pang-aabuso.

Kataliwas ng mga insidenteng itong kinasangkutan ng mga PC, ang pangalan ng mga NPA ay nasasangkot lang sa mga patayang ang bumubulagtang naliligo sa sariling dugo ay ang mga kaaway ng mahihirap: kung hindi ang mga “abusadong PC” ay ang mga tinatawag nilang “mga demonyo”—iyong mga nagnanakaw ng kalabaw buhat sa mahihirap, iyong nanggagahasa, iyong nananakit ng  mga magsasaka para mapilitan ang mga itong umalis sa sinasakang lupa.

Isang ganitong kaso ay ang napabalita sa mga pahayagang nangyari kina Alfredo Tolentino, may-asawa, ng Mabalodbalod, Tigaon, at Manuel Sical ng Minadonghol, Sagnay, na kapwa pinatay ng mga NPA dahil umano’y mga “di kinakailangang kasamaan” nila.  Sa ibabaw ng bangkay ng dalawa’y inilista ng NPA sa isang papel ang mga naging kasalanan sa masa ng dalawa: pagnanakaw ng kalabaw, nabigong tangkang panggagahasa, pambubugbog, at pagiging tuta ng mga panginoong maylupa.

Ang ganitong uri ng pagpapataw ng hustisya ay masasabing di kalabisan kung aalagataing bago umano pinatay sina Tolentino ay makailang beses silang kinausap, pinagpaliwanagan, binigyan ng pagkakataong umalis na lang sa Tigaon.   Pinatay lang sila nang umano’y ipagpatuloy nila ang “mga krimen nila laban sa masa.”

At ito ang uri ng hustisyang lumalabas na higit ngayong makatarungan para sa karaniwang magsasaka, ano nga ba naman ang mahihita niya sa isang kasong dadalhin niya sa kasalukuyang korte.   Di lang sisipsipin nito ang kahulihulihan niyang sentimo, kundi maaari pang magtagal nang magtagal ang kaso hanggang sa siya man mismo ay makalimutan na niya kung bakit siya dumudulog sa korteng ito. Pero sa pangangalaga ngayon ng mga NPA, karamihan ng mga baryo sa Tigaon ay nakararanas na ng isang uri ng hustisyang nagpapahintulot sa karaniwang magsasakang makahinga ng kahit konte, makatulog at magising nang di na ikinabibiyak ng ulo ang kaiisip kung saan hahanapin ang susunod na pananghalian, at kung saan naman manggagaling ang iilagang punglo ng kalupitan.

Ang magsasaka ng Tigaon—hukot, pinaitim ng salab ng araw, di makabasa kahit ng sariling pangalan, araw-gabing nakikipag-pawis sa lupang sinasaka  upang mapilit itong maging mabait man lamang at makapagbigay ng ikabubuhay kahit me bagyo, ang kapatid ng lupang itong bantad na sa mga land reform na di naipapatupad—ay maari na ngayong mangarap, na sa isang masayang kinabukasan ay hindi na siya maaaring basta na lang lapitan ng isang matabang panginoong maylupa ni di nakaalam kung ano ang amoy ng lupa kapag tag-init, at saka palayasin siya sa lupang sinasaka niya.

At ganito rin sa karaniwang parahagot ng Tigaon, na nakakakita na sa lakas na naibibigay ng pag-oorganisa ng mahihirap sa tangkilik ng NPA.

Kaya’t kapag pinapagkuwento mo ang karaniwang magsasaka’t parahagot ng Tigaon ng mga natatandaan nilang mga engkuwentro ng PC at NPA doon, matatalos mong ang pagbanggit nila sa pangalan ng mga napatay na pinuno ng  NPA ay laging may kalakip na paghanga at pagsamba, paghanga at pagsambang posible pala ang isang napakagandang kamatayang kagaya ng kay Kumander Tangkad, si Romulo Jallores, na ayon sa kanila ay nabuhay at namatay  nang para sa masa.  Ang kulay at alab ay di lamang sa dugong ibinuhos ni Kumander Tangkad nanggaling noong Disyembre nang mapatay siya kundi nasa kahulugang ibinibigay din ng mga nagkukuwentong ito tungkol sa pagkamatay niya.

At sila rin, ang mga magsasaka’t parahagot na ito, na sa kahit anong maliit na paraan ay nagkaroon ng panahong matulungan ng mga kasamahan sa NPA, ang dahilan kung bakit natatalo ang mga PC ngayon sa Kabikulan at patuloy pa ring matatalo.  Mapapatay ng mga PC ang mga Kumander at Kumander pa ng NPA.  Mapapatay nila ang sinumang may kahinahinalang tabas ng pagmumukha o pagsasalita sa Tigaon.   Pero kailanman ay di na sila tatanggapin pa ng mga mamamayan ng Tigaon.  Ang headquarters nila, ng mga PC, ay mananatiling malayung-malayo sa puso ng mga mamamayan, at sa tuwing papasok sila sa Tigaon ay mga estranghero silang pumapasok doon upang manggulo lang sa nagbabago nang buhay ng mga taga-Tigaon.

Isang halimbawa ng pagka-estranghero ng mga PC sa mga pook na kinikilusan ng NPA ay ang insidenteng naganap sa Bo. Presentacion, Parubcan, Camarines Sur.  Nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng NPA at PC at isang Sgt. Malaguena ng PC  ang malubhang nasugatan.  Kailangang dalhin sa ospital ang sugatang sarhento ngunit walang makuhang sasakyan ang kanyang mga kasamahan.  Ang dahilan:  walang masang magpahiram ng kanilang bangkang de-motor sa mga PC.  Dahil dito, isang Sgt. Brendia ng PC na namahala sa pagdadala sa ospital sa kanyang kasama ang hilo na sa katatanong kung bakit walang magpahiram sa kanila ng bangkang de-motor, kung bakit walang masang magboluntaryong tumulong sa kanila.  Kung may magsasakang sumagot sa kanya, ito marahil ang natanggap niyang sagot sa matatag na tinig: ang Tigaon, ang mga lupa nito, ay amin nang muli.  Sinumang tumutulong o nagpapakasangkapan sa mga naghaharing mapagsamantalang uri, PC man o taksil na kababaryo, ay mananatiling estranghero sa tuwing tutuntong dito.

Samantala, ang himpilang base ng mga kasama ng NPA ay nasa puso’t damdamin at kamalayan na mismo ng mga nakararaming magsasaka at mamamayan doon.  Kasama na nilang naniniwala ang mga ito na tanging isang bagong uri ng sistema na lamang ang makalulutas sa kasalukuyang malapyudal at mala-kolonyal na imburnal na kinasasadlakan ng lipunang Pilipino.  Kamakailan ay isang “pakikipag-usap” ang ginawa ng mga opisyal ng Tigaon kay Kumander Benjie (Ruben Jallores, kapatid ni Kumander Tangkad), pero  sinabi nitong huling kailanman ay di sila susuko.  “Di kami kailanman susuko,” anang isang pahayag nila di-kalaunan, “sapagkat ang lakas ng masa’y isang dagat na walang pagkatuyo.”  At tama nga marahil siya at ang mga kasamahan niya sa NPA sa paniniwalang ito.  Ang masa na ng Tigaon ang napanalunan nila,  ang nilalanguyan nila ngayon, paano pa sila matatalo?

Kaya maaaring magpatuloy pa ng paghingi ng mga reenforcements ang Task Force Bulusan ng Camarines Sur sa Camarines Norte, at dagdagan pa ng gobyerno ang badyet na pangmilitar ng mga ito, at maglunsad sila ng sunud-sunod na mga operations laban sa mga “subersibo” ng Tigaon, pero magsasayang lang sila ng bala.  Huli na at kailanman ay di na sila mananalo sa Tigaon.  Kinakailangan na nilang patayin ang buong Tigaon.

Posted by dalawangmandirigma at 5:13 pm | permalink | comments[3]

….

PHILIPPINES: Soldiers allegedly spied on and vilified student activists in two Manila universities

Name of victims:1. Eleanor de Guzman, national chairperson for Anakbayan (Youth of the Nation)
2. Joanna Rose Adenit, chairperson for Gabriela Youth in Philippine Normal University (PNU)
3. Ralph Malacad, Associate Editor in English, The Torch Publications (official PNU Student publication/newsletter)
4. Ali Tapar, chairperson for Student Christian Movement-PNU
5. Julie Ann Tapid, writer for the Torch
6. Joseph Ancajas, PNU Student Government member
7. Joyce Caubat, chairperson for Anakbayan-PNU
 All of them are students at the Philippine Normal University (PNU)
8. Alain Mark Zamora, chairperson for LFS-Polytechnic University of the Philippines
9. Rogelio Data Jr., chairperson for Center for Nationalist Studies-PUP
10. Reynante Czar, chairperson for Anakbayan in PUP
11. Jean Claire Tanilong, chairperson for SCMP in PUP
12. Carla Braceros, vice chairperson for SCMP in PUP
All of them are students at the Polytechnic University of the Philippines (PUP)
Alleged perpetrators:
1. Colonel Ricardo Visaya, commanding officer, Civil Military Operations (CMO) Battalion, Philippine Army (PA), stationed at the Fort Bonifacio Headquarters.
2. Captain Orges, operations officer, CMO Battalion
3. 2nd Lieutenant. Brian Lim, team leader, CMO
4. Major Godfrey Obera, Company Commander, Bravo Company
5. Salve Romel Lao, member of the CMO Battalion assigned at Barangay (village) 592, Sta. Mesa
6. Chardene Lalapus, also a member CMO Battalion
Place of incidents: Inside the campuses of PNU in Taft Avenue and PUP in Sta. Mesa, all in Manila
Date of incidents: On February 20 and March 5, 2007

I am writing to raise my serious concern regarding the alleged harassment and spying of students whose names listed above. I have learned that on March 5, the soldiers attached to the Civil Military Operations (CMO) allegedly discretely took photographs and video recordings of the students from the PNU. The soldiers at the time were holding meetings on pretext of counter insurgency inside the university.

While holding meetings inside the campus, the soldiers who are carrying firearms and in military uniforms allegedly harassed and intimidated students. I am gravely concerned by the actions the soldiers have taken. I am also gravely concerned by the university’s tolerance towards the soldier’s action on the students. The manner by which these soldiers performed their duties inside the campus; for instance, allegedly vilifying students and the organization they are attached, is unacceptable and a cause of concern. It does not only expose students from unnecessary risks but also interference to their academic freedom.

In another incident, on February 20, students from the PUP also had their photographs taken discretely by two persons they discovered later as soldiers. They took photographs of the students while they are peacefully holding protest within their campus. I have learned that the soldiers have entered the university without prior permission from the administration, which is contrary to the agreement between the university and security forces that they should do so.

I have learned that a complaint have already been filed with the Commission on Human Rights (CHR) in April 2007 against the soldiers, namely Salve Romel Lao and Chardene Lalapus of the CMO, allegedly involved in spying on them, but there has not been substantial progress. They only conducted hearing on the complaint once. I am also not aware of any sanctions or punishments taken against the soldiers following the incident. No credible inquiry was also made to have the soldiers investigated and explained why they are spying on students.

I am deeply concerned of these actions taken by the soldiers and the failure by the university administration to protect these students and ensure that they could exercise their academic freedom without fear of persecution. By openly accusing these students and their organization as “terrorist’s fronts” or “enemies of the state”, it already exposes them to unnecessary risks to their lives. As you are aware, there have been several activists, including students, who have either been extrajudicially killed or forcibly disappeared soon after they are labeled as such. This is seriously undermining the protection of student’s rights to equal protection of law and presumption of innocence.

I therefore urge you to ensure that these cases are thoroughly investigated. The soldiers involved must be held accountable for their acts and similar practice must not be tolerated. I also urge you to consider providing necessary assistance to students, particularly for their protection and security. Please also urge the university administration to strictly implement the existing memorandum between them and the security forces, which prohibits their entry into university without their permission and interfere into students’ activities.

I trust that you will take action in this case.

Yours sincerely,

—————-

PLEASE SEND YOUR LETTERS TO:

1. Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo
President
Republic of the Philippines
Malacanang Palace
JP Laurel Street, San Miguel
Manila 1005
PHILIPPINES
Fax: +63 2 736 1010
Tel: +63 2 735 6201 / 564 1451 to 80

2. Ms. Purificacion Quisumbing
Commissioner
Commission on Human Rights
SAAC Bldg., Commonwealth Avenue
U.P. Complex, Diliman
Quezon City
PHILIPPINES
Tel: +63 2 928 5655 / 926 6188
Fax: +63 2 929 0102
Email:
drpvq@yahoo.com

3. Director General Oscar Calderon
Chief, Philippine National Police (PNP)
Camp General Rafael Crame
Quezon City
PHILIPPINES
Tel: +63 2 726 4361/4366/8763
Fax: +63 2724 8763
Email:
bluetree73@gmail.com

4. Mr. Raul Gonzalez
Secretary
Department of Justice
DOJ Bldg., Padre Faura
1004 Manila
PHILIPPINES
Fax: +63 2 521 1614

5. Gen. Hermogenes Esperon
Chief of Staff
Armed Forces of the Philippines (AFP)
AFP-GHQ Offices, Camp Gen. Emilio Aguinaldo
Quezon City
PHILIPPINES
Tel: +63 2 911 6001 to 50
Fax: +63 2 911 6436

6. Mr. Ambeyi Ligabo
Special Rapporteur on the promotion and protection
of the right to freedom of opinion and expression
C/o OHCHR-UNOG
1211 Geneva 10
SWITZERLAND
Tel: +41 22 917 9177
Fax: +41 22 917 9006 (ATTN: SPECIAL RAPPORTEUR FREEDOM OF EXPRESSION)

7. Ms. Hina Jilani
Special Representative of the Secretary General for human rights defenders
Room 1-040
C/o OHCHR-UNOG
1211 Geneva 10
SWITZERLAND
Tel: +41 22 917 93 88
Fax: +41 22 917 9006 (ATTN: SPECIAL REPRESENTATIVE HUMAN RIGHTS DEFENDERS)

Thank you.

Urgent Appeals Programme
Asian Human Rights Commission (
ua@ahrchk.org)

Posted by dalawangmandirigma at 1:05 pm | permalink | comments[1]

Nakawan ng pribadong pag-aari at gitnang uri

Tuesday, November 18, 2008

posted 07-Nov-2008

Pasintabi | Rolando B. Tolentino

UMUWI ako ng hatinggabi kamakailan lang. Sa di ko maipaliwanag, hindi ko kaagad mabuksan ang maliit na gate. Wala ring ilaw sa bukanang pinto ng bahay. Nakarinig ako ng tunog ng chime kahit walang hangin. At ang galasgas ng tila hayop sa halaman, inakala kong pusang nakapasok sa loob ng bahay.

Tulad ng mga gabi, uminom ako ng dalawang kutsarang VCO (virgin coconut oil) at dalawang kapsula ng Vitamin C, at tumungo na ako sa kwarto sa itaas. Tulad ng mga gabi, mabilis kong sinara ang pinto, handa ng maghilamos at magpalit ng pantulog. Pero di tulad ng gabi, natagpuan ko ang ilang gamit sa loob ng kwarto na magulo ang ayos. Nawawala ang ilang laman ng container sa may TV, at paling ang mga painting sa ibabaw ng kinalalagyan.

Hindi ko na natiis, hiniyaw ko ang pangalan ng katiwala. Kundi man nakaligtaang magligpit, may hindi awtorisadong paghahalungkat sa kwarto. Imumustra ko na ang kaguluhan ng ilang gamit nang biglang may sumulpot sa ilalim ng kama. Napasukan kami sa loob ng bahay.

Napatakbo palabas ng kwarto ang kasambahay. Natagpuan ko ang sarili kong nakikipagtitigan sa taong nakahubad, nakatitig rin sa akin. Sa labas ng kwarto ay inutusan ko ang katiwala na kunin ang yantok sa kanyang kwarto, pati na rin kutsilyo. Sa pagkaripas ko sa hagdan, tumawag ako ng numero ng guardhouse. Madali kong pinakiusapan ang nakausap na tumungo kaagad sa bahay.

Ilang minuto pa ay nakapasok na ang gwardya. Sinabihan kong nasa tagiliran ng sahig ng kama ang magnanakaw. Bigla na lang nabuo sa isipan ko ang akmang identidad ng tao sa sahig. Ilang saglit pa ay binababa na nila ang lalake, nakasuot na ng tshirt at tila emo ang buhok. Sinabihan ako ng gwardya na antabayanan ko na lang ang sasakyan ng baranggay.

Umakyat kami ng katiwala, tinignan kung ano ang nangawala. Bukod sa mga ilang lalagyan na naglaho ang lamang abibot—rosaryong galing sa Vatican, medalyon, napigtas na beads, isang asul na antigong necklage mula sa Ifugao, at iba pang bracelets na bigay—wala akong natagpuang tunay na mahalagang nawala.

Sa baranggay ay kinuha ang mga pangalan namin, kasama ang guard na nakahuli. Sinabihan kaming dalawa na bumalik kinabukasan para sa inquest. At kinulong ang magnanakaw sa selda, sabay upak ng isang detenido.

Hindi ako nakatulog kaagad. Tinignan ko muna ang bawat sulok ng bahay na maaring pagtaguan pa ng tao: ilalim ng hagdan, ilalim ng kama, shower area ng banyo, sulok ng mga mwebles, at iba pa. Pasilip-silip akong muli sa ilalim ng kama, at sa bintana ng kwartong nakadungaw sa bubong ng kusina, ang pinagpasukan ng magnanakaw.

Kinaumagahan ay sinundo ko ang off-duty na guard at tumungo kami sa presinto. Pinatignan sa amin ang statement. Kinorek namin ang spelling ng aming pangalan. Dahil raw wala namang halaga ang nakuha, “attempted robbery” lang daw ang pwede. Sabi ko ay mayroon namang halaga, at pinasabi sa pulis ang mga item at kanilang halaga. Naging “robbery” ang kaso.

Parang kalahating oras kami ng guard na nag-aantay. Mabagal mag-computer ang pulis, mas mabagal ang dot-matrix na printer. Nang matapos ay tumungo kami sa selda. Pinosasan ang magnanakaw, kasama ng isa pang may kaso ng cellphone snatching. Magkakasama kami ng pulis, akusado, guard at ang nanakawan ng cellphone na nagsisiksikan sa kotse ko para tumungo sa City Hall.

Nakipagkwentuhan ako sa babaeng nanakawan ng cellphone ng alas-tres ng umagang iyon. Call center agent pala siya. Nanlaban siya kaya nahuli ang bumutas sa kanyang shorts para dakmain ang cellphone. Pero hindi na gumagana ang cellphone niya. Malaki ang kanyang paghihinayang dahil siya raw ang gumastos rito.

Dumating kami sa City Hall, umibis sila habang ako ay naghanap pa ng parking. Sa fourth floor ng Hall of Justice, natagpuan ko ang sarili na kasunod ng pulis. Nagpaxerox ito, bumili ng kendi at ako ang pinagbayad. Yung mga nakaposas—wala pa ring tsinelas man lang ang magnanakaw sa bahay—ay pinasunod sa inquest. Sa fiskal, isa-isang mabilis na dininig ang mga kaso.

Pag dating sa akin, tinanong kami ng magnanakaw kung magkakilala ba kami. Tinanong din kami kung magkarelasyon ba kami. Bakla ang lalaking natagpuan sa sahig sa kama sa kwarto ko. Nauna pa ang lalake na tumanggi sa sinabi ng fiskal. Tig-100,000 piso ang bail para sa robbery at cellphone snatching. Labinglimang araw pa ang unang hearing daw. Mabubulok ang mga inaresto sa isang kwartong kasing laki lang ng opisina ko, magkakasama ang mga 20 pang detenido.

Sa paghatid sa mga inaresto at pulis pabalik sa presinto, naalaala ko ang tanong ng fiskal sa inaakusahang nagnakaw ng cellphone, “Binugbog ka ba?” Bago makasagot ang nakaposas ay sinalo na kaagad ng pulis, “Nagkagulo lang po.” Maraming tuyong dugo ang nakaposas, “Sinaksak po ako niya,” sabay turo sa babae. Pero hindi na ito pinahalagahan.

Ibinaba ko ang babae sa kanto ng Congressional at Mindanao. Bumalik kami ang natira sa presinto. Mahaba ang gabi at umaga ng eksena ng nakawan. Pareho kami ng sentimiento ng call center agent. Paglabag ito sa aming pinaghirapang pag-aari. At habang pabalik ako sa akin talagang pupuntahan, naisip kong ang aming asersyon ng pagiging gitnang uri ang siyang yumuyurak sa mas mababa sa amin.

Na kahit walang kalatoy-latoy ang proseso, at ang infrastruktura ng katarungan, maging ang pulisya, sa amin pa rin pala ito nakakiling. At mas lalo akong nalungkot sa kinasadlakan ko, lampas pa sa eksena sa horror film nang matagpuan ko ang katawan ng lalakeng nakapasok sa loob ng kwarto ko.

Ang kwarto ko, ang buhay ko, ang predikamento ko, metapisikal ang pagkakulong sa gitnang uri. Ang mga inarestong tao, naging magnanakaw na, nakakulong na. Hindi pinagsalita, at kahit magsalita, ayaw rin namang pakinggan. Kasing lagkit ng putik sa kotseng nabasa ng mabilisang ulan at dumaan sa makikitid na kalsada ng kapuranggot na lugar sa syudad ang pakiramdam ko.

Posted by dalawangmandirigma at 11:23 am | permalink | Add comment

Pagtakas sa bangungot

 

U Z. Eliserio


ANG POSTMODERNIDAD ay yugto ng kasaysayan, ayon kay Fredric Jameson, kung saan nabubura na ang kamalayang pangkasaysayan. Sa panahong ito, ang katotohanan tungkol sa nakaraan ay kaalaman na lamang para mga game show. “For five thousand pesos,” maiisip nating sabihin ni Edu Manzano sa Game Ka Na Ba?, “ilang Filipino ang minasaker ng mga sundalong Amerikano sa Bud Dajo sa Mindanao?”

Sa kapitalismo, hindi natin nakikita kung paanong nililikha ang komoditi. Basta nasa harap na lang natin ang hamburger o computer, parang mahika. Hindi natin alam kung kontraktuwal lang ba ang crew ng fastfood na nagluto ng ating kakainin, ayaw nating alamin kung walong-taong-gulang na bata ba ang gumawa ng suot-suot nating Nike. Maaaring sabihing ang kasalukuyang multinasyunal na kapitalismo ang pinakamalaking komoditi, at sa pagbura ng proseso ng kasaysayan inaakala nating ito’y walang hanggan.

Ang Tropic Thunder (2008) ay postmodernistang pelikula sa pagbura nito sa kasaysayan. Sinusubukan nitong maging kritisismo ng representasyon, sapagkat ito’y pelikula tungkol sa paggawa ng pelikula. Kung gayon para sana itong hamburger na kayang magkuwento kung paano ito niluto, o computer na nagsasalaysay tungkol sa mga pinagsasamantalahang manggagawang lumikha rito. Ngunit bigo ang Tropic Thunder, ang potensiyal nito’y hindi naging aktuwal.

Ang banghay: May limang artistang kasama sa produksiyon ng adapsiyon ng nobela tungkol sa isang misyon sa pakikipagdigma ng Estados Unidos sa Vietnam. Ang mga ito, sa pangunguna ni Ben Stiller bilang Tugg Speedman, ay napasabak sa tunay na labanan nang mapasok sila sa teritoryo ng mga gumagawa ng heroin. Nadakip si Stiller, nanganganib ang kanyang buhay, ngunit ano ang magagawa ng apat niyang kasama? Mga aktor sila, hindi sundalo. Sa dulo, sa ngalan ng pakikipagkaibigan at dedikasyon, nagdesisyon silang iligtas ito. At bagaman hindi sila mahusay na mga sundalo, sila’y mga artistang gumaganap bilang mahusay na sundalo, at mahusay nilang nakumpleto ang kanilang di-inaasahang misyon.

Ang orientalismo’y terminong gamit ng mga kritikong post-kolonyal para ilarawan ang mga pamamaraan ng paglalarawan, pag-iisip, pagtingin at pagsulat ng mga Kanluranin na “lumikha” sa Silangan. “Lumikha” dahil ang kanilang mga tala ay hindi naman talaga tungkol sa mga bayan sa Silangan kundi sa kanilang mga bias bilang Kanluranin. Ang Pranses na si Jean Mallat ay naglabas ng libro noong ika-19 na siglo tungkol sa Pilipinas. Dito, ipinalabas niyang kakaiba, eksotiko, weirdo ang mga pang-araw-araw na buhay ng ating mga ninuno.

Halimbawa, ganito ang paglalarawan niya sa kasal: “The parents and friends of the couple would have started a veritable orgy which extends three days after the ceremony,” ang susing salita sa akin dito’y ‘parents’. Kasama ang mga magulang sa “perpetual libations of fermented liquors, interspresed with the most obscene dances; after which they went to bed promiscuously.” Kung pagbabasehan ang kanyang libro ang mga Filipino, lumalabas, ay panay ang aksaya, laging lasing at hindi makontrol ang libog.

Sa isang talata makakaaninag ng sabay na panlalait at inggit: “The Indians are the same everywhere; in the climates which prevail where they live, they have nothing to do but to bend down to satisfy alll their needs, and as long as their activity is not stimulated by an outside constraint, they will remain incapable of progress.” Dito’y lantad ang pagbibigay lehitimasyon ni Mallat sa pananakop, kung wala ito walang pag-unlad sa buhay ng mga sinasakop. Pero maaamoy din ang kanyang pagnanasa na maging katulad ng ating mga ninuno, na hindi kailangang paghirapan ang kanilang mga pangangailangan. Bagaman hindi naman eksaktong pinupulot lang ang pagkain sa mga isla, mistulang paraiso siguro kay Mallat ang isang mundong hindi nanunuot ang elyenasyon sa bawat aspekto ng buhay.

Orientalista ang pespektibo ng mga pelikula ng Hollywood tungkol sa gera sa Silangan. Dito mararanasan ng mga Amerikano ang kanilang “rite of passage,” ang kanilang pagbabanyuhay mula bata tungo sa ganap na lalaki. Panoorin na lamang ang mga katulad ng We Were Soldiers, Forrest Gump, Full Metal Jacket. Bagaman ang Tropic Thunder ay hindi pelikula tungkol sa gera kundi pelikula tungkol sa paggawa ng pelikula tungkol sa gera, pareho pa rin ang lohika nito. Napunta si Ben Stiller at ang kanyang mga kasama sa isang bansang kalapit ng Vietnam (hindi tinukoy nang eksakto sa pelikula) at sa pakikipagdigma ay nakilala ang kanilang tunay na sarili. Ang tauhang ginampanan ni Jack Black, halimbawa, ay nagapi ang pagkaadik sa heroin. Ang tauhang ginampanan ni Brandon T. Jackson naman, pagkatapos ng kanilang karanasan ay nagawang magladlad pagbalik sa Amerika.

Ngayon, hindi ko sinasabing mabuti ang pagiging adik o masama ang pagiging bakla. Hindi ko sinasabing magnanakaw si Ben Stiller. Ang pinupuntirya ko sa pelikula’y ang pagpoposisyon nito sa Silangan bilang mapanganib, maganda at misteryosang lugar kung saan matututo ang mga Kanluranin kung paano kumilos at mag-isip bilang mature na matanda.

Ang gera, lumalabas, ay rite of passage. Para lang palang pagtutuli ang pakikidigma. Hinuhugasan ang mga krimen ng mga sundalong Amerikano! Binubura sa kasaysayan ang kanilang sistematikong panggagahasa sa mga Vietnamese (para sa karagdagang impormasyon basahin ang Against Our Will ni Susan Bronwmiller). Pagtutuli lang pala ang pagbabagsak nila ng napalm sa Vietnam! Kailangan mo lang palang pumatay ng tao para makilala ang tunay mong sarili. Mabuti ang pananakop ng ibang bansa. Tama ang ginawa ng Amerika sa Pilipinas, sa Cuba, sa Afghanistan, sa Iraq!

Ano nga ba talaga ang nangyari sa Bud Dajo?

At sino nga pala si Daniel Smith?

Ang kasaysayan ay hindi bangungot na dapat nating takasan. Ito’y dapat nating pag-aralan, nang sa gayon ang pagbubura nito’y hindi maging kumpleto. Nang sa gayon ang kasalukuyan nating pighati’y hindi magiging walang hanggan. ‘Wag natin hayaang bingihin tayo ng Tropic Thunder at iba pang produkto ng popular na kultura sa mga hiyaw, sigaw at iyak ng mga pinagsamantalahan noon at ngayon.

 

Si U Eliserio ay nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Awtor siya ng dalawang nobeleta, Sa mga Suso ng Liwanag at Di Lang Anghel.

Posted by dalawangmandirigma at 11:19 am | permalink | comments[3]